Lumaktaw sa pangunahing nilalaman

Bigyang Katapusan ang Rasismo at Pagkamuhi: Iyong Karapatan. Iyong Responsibilidad.

Mga Krimen sa Galit sa BC

Ang bawat tao sa British Columbia ay may karapatang magkaroon ng ligtas na pakiramdam at makisali sa kanilang komunidad.
Ito’y nagiging imposible dahil sa rasismo at pagkamuhi dahil nagkakaroon ng takot at exclusion.
Kinakailangan natin magtulung-tulong upang bigyang katapusan ang rasismo at pagkamuhi sa ating mga komunidad sa pamamagitan ng pag-unawa sa pagkamuhi, pag-unawa kung paano ito iuulat, at kung paano humadlang kapag nasaksihan natin ito.

Sa lahat ng mga anyo ng kriminalidad, ang hate crimes ay ang mga malamang na pinakamadalas na pagkakasala na hindi inuulat.

Ang Hate O Kasuklaman Ay Walang Lugar Sa BC

Ang Lahat ay Naaapektohan ng Hate Crimes

Mahalaga na maunawaan na ang hate crimes ay “mga krimen na nagbibigay-mensahe; ibig sabihin ay ang gumagawa nito ay nagpapadala ng mensahe sa mga miyembro ng isang partikular na grupo na sila ay hinahamak, walang-halaga, o di-tinatanggap sa isang partikular na kapitbahayan, komunidad, paaralan, o lugar ng trabaho.” (American Psychological Association 1998).

Ang sumusunod ay ibinibigay para sa pangkalahatang impormasyon sa halip na legal na payo o isang ganap na depinisyon ng hate crime. Sa Canada, ang hate crime ay isang kriminal na pagkakasala laban sa isang tao, grupo, o ari-arian; ang hate crime na ito ay motibado ng pagkiling, pagtatangi, o pagkamuhi ng tungo sa sinumang nabibilang sa isang grupong maaaring tukuyin ayon sa lahi, bansa o etnikong pinagmulan, wika, kulay, relihiyon, kasarian, gulang, pangkaisipan o pangkatawang kapansanan, sekswal na oryentasyon, gender identity o expression, o ayon sa anumang ibang katulad na kadahilanan.

Noong 2018, humigit-kumulang sa 44 porsiyento ng mga naireport na hate crimes sa Canada ay motibado ng lahi o etnisidad. Ang lahi ay isang salitang ginagamit upang pagbukud-bukurin ang mga tao sa mga grupo batay lalo na sa mga katangiang pisikal tulad ng kulay ng balat. Ang mga kategoriya ng lahi ay hindi batay sa agham o biyolohiya, ngunit sa halip ay batay sila sa mga pagkakaiba na nilikha ng lipunan; ang mga ito’y may makabuluhang konsekwensiya sa mga buhay ng mga tao. Ang mga kategoriya ng lahi ay maaaring magbago sa katagalan ng panahon at lugar at maaaring pumatong sa mga etniko, kultural, o relihiyosong grupo. Ang etnisidad ay karaniwang nauunawaan bilang isang bagay na nakakamit natin (hal., karaniwang kultura, kasaysayan, wika, o pagkabansa).

Noong 2018, humigit-kumulang sa 36 porsiyento ng naiulat na hate crimes sa Canada ay motibado ng relihiyon. Ang relihiyon ay kahit anong relihiyosong denominasyon, grupo, sekto, o ibang tinukoy na relihiyosong komunidad o sistema ng paniniwala at/o mga gawing ispiritwal sa pananampalataya. Ang hate crimes laban sa mga relihiyosong grupo ay madalas na tinatarget sa mga komunidad o mga indibidwal dahil sa kanilang relihiyosong pananamit o pagkakaugnay na inaakala o binigyan ng maling kahulugan.

Noong 2018, humigit-kumulang sa 1 porsiyento ng mga naiulat na hate crimes ay dahil sa edad, pangkaisipan at pangkatawang kapansanan. Isa sa bawat limang Canadians na 15-taong-gulang at mas matanda ay ipinapalagay na mayroong isang kapansanan man lamang. Natuklasan ng Victimization research na ang pagkakaroon ng isang kapansanan, at ang kalalaan ng kapansanan, ay nauugnay sa higit na matinding victimization. Hinggil sa gulang, natuklasan ng victimization research na ang seniors ay mas malamang na mananatili sa bahay kaysa sa non-seniors dahil takot sila sa krimen, habang ang non-seniors ay mas malamang na magbabago ng kanilang mga gawi sa anumang paraan upang protektahan ang kanilang sarili.

Noong 2018, humigit-kumulang sa 12 porsiyento ng mga naireport na hate crimes sa Canada ay motibado ng inaakalang sekswal na oryentasyon, habang humigit-kumulang sa 1 porsiyento ang motibado ng inaakalang gender identity. Ang sekswal na oryentasyon ay tumutukoy sa kung kanino naaakit nang sekswal at/o nang romantiko ang isang tao. Ang gender identity ay tumutukoy sa panloob at panlabas na karanasan ng kasarian ng isang tao na maaaring katulad o naiiba sa kanyang kasarian nang siya’y isinilang. Ang ilang mga biktima ng hate crimes batay sa sekswal na oryentasyon ay maaaring mga transgender na indibidwal na tinatarget dahil sa kanilang inaakalang sekswal na oryentasyon.

Habang nagbabago ang lipunan ng Canada, maaaring may iba pang mga grupo na kikilalanin ng batas. Ang layunin ng pagdagdag ng “any other similar factor” (iba pang katulad na kadahilanan) sa Criminal Code (Kodigo Kriminal) ay upang protektahan ang mga bahagi ng publiko na hindi pa tinutukoy bilang kinikilalang mga grupo.

Ano ang ibig sabihin ng Krimen sa Galit?

Ang halos anumang uri ng krimen na nagawa laban sa isang tao o ari-arian ay maaaring maging motibado ng pagkamuhi. Ang ilang mga halimbawa nito ay ang mga pagkakasala tulad ng pag-atake, pagbabanta, kriminal na panliligalig, at kalokohan, kasama na ang graffiti o bandalismo.

Ang Seksyon 718.2 ng Criminal Code ay naglalaman ng mga ispesipikong probisyon sa paghahatol ng hate crimes. Ayon sa batas, kapag ang pagkakasala ay motibado ng pagkamuhi laban sa isang grupong maaaring tukuyin, maaaring isaalang-alang ng korte ang motibasyon na ito bilang isang bagay na nagpapalala sa isang kriminal na hatol.

Tumutugon ang Seksyon 318 at 319 ng Criminal Code sa hate propaganda.

Ginagawang kriminal na pagkakasala ng Seksyon 318 ang pagtangkilik o pagpapasulong ng genocide o pagpatay ng lahi.

Ginagawang kriminal na pagkakasala ng Seksyon 319 (1) ang pagpapabatid sa isang pampublikong lugar ng isang pahayag na nag-uudyok ng pagkamuhi laban sa anumang grupong maaaring tukuyin, kung saan ito ay malamang na mauuwi sa pagkakagambala ng kapayapaan. Halimbawa, ang pagkakasalang ito ay maaaring maganap sa konteksto ng isang demonstrasyon o protesta.

Ginagawang kriminal na pagkakasala ng Seksyon 319 (1) ang pagpapabatid ng mga pahayag, maliban na lamang sa mga pribadong pag-uusap, na nananadyang magsulong sa pagkamuhi laban sa anumang grupo na maaaring tukuyin. Kabilang dito ang mga pahayag na inilalathala o nasa Internet, kasama ang nasa audio o bidyo. Ang pagkakasalang ito ay maaari ring tumukoy sa mga pahayag na binibigkas o isinusulat sa isang lugar na accessible sa publiko, o mga pahayag na ipinamama hagi sa isang lugar na accessible sa publiko.

Mahalagang tandaan na ang mga batas ukol sa hate propaganda ay hindi nangangailangan ng katunayan na ang komunikasyon ay nagdulot ng tunay na pagkamuhi.

Ang Seksyon 430 (4.1) ng Criminal Code ay tumutugon sa kalokohang motibado ng pagkamuhi. Kapag motibado ng pagkiling, masamang palagay o pagkamuhi, ang pagpinsala o pagdungis sa mga lugar ng pagsamba, mga paaralan, mga seniors’ residence, o mga lugar na ginagamit para sa sosyal, kultural, o mga isport na aktibidad na pangunahing ginagamit ng isang grupong maaaring tukuyin, ay isang kriminal na pagkakasala.

Madalas na binabalanse ng batas ang mga nagtutunggaling interes at karapatan. Sa Canada, ang Seksyon 2 ng Canadian Charter of Rights and Freedoms (Ang Kasulatan ng mga Karapatan at Kalayaan ng Canada) ay nagproprotekta sa mga pangunahing karapatan sa kalayaan ng pagpapahayag, habang kinikilala ng batas ng Canada ang isang makatuwirang hangganan sa mga uri ng pagpapahayag na nananadyang nagtataguyod sa pagkamuhi.

Ang mga komplikadong pagsasaalang-alang sa mga pagkakasala na ito ay nangangahulugan na ang mga ito ay maingat na isinasaalang-alang ng pulis at mga tagausig. Hindi lahat ng mga insidenteng motibado ng pagkamuhi ay hate crimes o mga insidenteng kinakasuhan. Kung ang pangyayari ay nangangailangan ng referral mula sa pulis para sa potensyal na pag-uusig, ang Crown counsel ay malayang gagamit ng isang patakarang available sa publiko na ispesipiko para sa paksang ito.

Ang hate incident ay isang praktikal na paraan ng pagtukoy sa iba’t-ibang pagkilos na maaari o maaaring hindi tumutupad sa kahulugan ng “hate crime”. Sari-saring kadahilanan ang isinasaalang-alang, halimbawa, kung gaano kabigat ang pagkilos, ang kalikasan ng magagamit na ebidensiya at ang mga pagsasaalang-alang ng pampublikong interes; at maaaring ipasiya ng mga awtoridad na ang ilang mga nakakamuhi, may masamang palagay, o may kinikilingang pagkilos ay hindi kakasuhan o uusigin.

Ang mga biktima at ang komunidad ay may papel na dapat gampanan sa lahat ng hate incidents, kung sa huli man ay napagpasiyahang silang kriminal o hindi,.

[pagkamuhi]

Isang emosyon na may isang matindi at sukdulang kalikasan na malinaw na nauugnay sa paninirang-puri at pagkasuklam. Ang pagkamuhi laban sa mga grupong maaaring tukuyin ay nabubuhay sa insensitivity o kawalan ng pakiramdam, bigotry, at pagkawasak ng tinatarget na grupo at ng mga bagay na pinahahalagahan ng ating lipunan. Ang pagkamuhi ay isang emosyon na -- kapag ito’y ginamit laban sa mga miyembro ng isang grupo na maaaring tukuyin – ito’y nagpapahiwatig na ang mga indibidwal na iyon ay dapat hamakin, kasuklaman, hindi bigyang-galang, at ipasailalim sa masamang pagtrato batay sa pagkakaugnay nila sa isang grupo.

Kataas-Taasang Hukuman ng Canada – R. v. Keegstra